Ordinary Time – 18th Sunday - Cycle C – 2010
Mabuting Balita Lu 12:13-21
Naranasan mo ba ang alitan sa isang pamilya ng dahil sa pera, o sa mana? Noong kapanahunan ni Jesus, pag may hindi nagkakasundo sa isang pamilya tungkol sa mana, nagpupunta sila sa mga rabbi - ang mga guro ng Kasulatan, para humatol. Ngayon, binasa natin sa Ebanghelio na may taong nagpunta kay Hesus upang isumbong ang kanyang kapatid dahil ayaw makibahagi ng kanyang mana.
Pero hindi pumayag si Hesus na maging huwes sa alitan nila. Sinamantala Niya ang kanilang hindi pagkakaunawaan upang magturo tungkol sa kabuluhan ng buhay. Kaya sinabi niya: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan” (Lc 12, 15).
Mayaman sa lupa, o mayaman sa langit?
Hindi naman maling maghangad na magkaroon ng maraming pera o materyal na bagay, dahil kailangan natin ito upang mabuhay. Pero kung makapasok ang kasakiman o greed sa puso ng tao, at ito lamang ang mahalaga sa buhay niya, na para bang wala na siyang malasakit sa kapwa, ang materyal na bagay ay magpapalayo sa kanya sa Panginoon.
Sinabi ni San Pablo sa ika-2 pagbasa: “Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panglupa.”(Col 3,2) Kung masyadong abala ang tao sa mga bagay na panglupa, ito’y magiging makamundo. Ngunit, kung ang focus ay sa mga espiritual na bagay, siya’y magiging maka-Diyos.
Meron akong isang kaibigan na walang trabaho. Binigyan siya ng nanay niya ng isang libong piso. Kinuha niya ito at nag-isip: “May isang libo na ako, iingatan ko ito ng husto...” Kinabukasan, ang kanyang kapatid na pamilyado ay nagkaroon ng problema at kailangan nito ng pera. Inisip ng kaibigan ko na kahit anong mangyari, hindi niya ibibigay ang isang libong piso. Pinag-isipan niya ito ng mabuti at sa wakas, pinili niyang magpaka-banal, ito mismo ang kanyang sinabi. Kaya ipinahiram niya ang pera sa kanyang kapatid at alam ko, nang mga oras na iyon, nadagdagan na ang kanyang kayamanan sa langit.
Pero kung gusto mong dito sa lupa dumami ang iyong kayamanan, mag-ingat ka. Marami ang maaapektuhan dahil sa hangad ng taong yumaman. Dito sa Pilipinas, nasa kamay ng ilang makapangyarihang pamilya lamang ang kayamanan ng bansa, samantalang ang karamihan sa mga mamamayan ay nalulunod sa kahirapan. Ang mga mayayaman, ay yumayaman, habang ang mga mahihirap naman ay lalong naghihirap. We need a fair distribution of the goods and resources of the country.
Ang dahilan kung bakit may mga mahihirap sa Pilipinas ay malubha na ang kasakiman ng tao. Kaya minsan, nasasabi natin na kung walang kurakot, walang mahirap. Ang pondo ng bayan ay napupunta sa bulsa ng ilang tao lamang. Naniniwala ako na makatarungan ang Diyos. Ano ang mangyayari sa kanila? Sasabihin sa kanila ng Diyos: “Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?” Sinabi pa ni Hesus: “Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos” (Lc 12-21).
Mayaman sa paningin ng tao, dukha naman sa paningin ng Diyos
Dapat maging mayaman tayo sa paningin ng Diyos at pag-isipan kung paano natin ginagamit ang mga materyal na bagay. Itanong natin sa ating mga sarili kung ito ba ay nakatutulong sa iba o sa ating sarili lamang; kung ito’y nakatutulong upang tayo’y maging mabuti, o sa halip, ito’y nagiging hadlang sa ating pang-espiritual na buhay?
May isang taong may pabrika ng dinamita noon, ang pangalan niya ay si Alfred Nobel. Nang mamatay ang kanyang kapatid, ang akala ng isang journalist ay siya ang namatay. Kaya ang obituary niya ang nai-publish sa peryodiko, hindi ang obituary ng kanyang kapatid. Nalungkot si Alfred nang mabasa niya ang nasa peryodiko: “Namatay ang Hari ng Dinamita!” Napagtanto niya na masaya ang mga tao dahil sa akalang siya ang namatay. Sa tingin kasi nila, yumaman si Alfred dahil sa dinamitang ginamit sa digmaan. “Ito pala ang tingin nila sa akin, na masamang tao ako! Ang sakit naman! Magbabago na ako!” Simula noon, nagbago na nga siya. Ayaw na niyang maaalaala pa siya ng mga tao bilang isang businessman na yumayaman habang may namamatay dahil sa kanyang produkto. Mayaman siya sa paningin ng tao, pero dukha’t hangal naman siya sa paningin ng Diyos.
Gusto na niyang magbago ang pagtingin ng tao sa kanya. Kaya ginamit niya ang kanyang pera para sa mga programa’t imbestigasyon para sa human development. Nagbigay din siya ng grants sa mga taong kumilos upang magkaroon ng kapayapaan sa mundo. Ngayon, pag binabanggit ang pangalan ni Alfred Nobel, hindi na natin naaalala ang dinamita, kundi ang Nobel Peace Prize na kanyang sinimulan.
Kung ikaw mismo ang magsusulat ng iyong obituary na ipa-publish sa peryodiko, ano ang nais mong isulat? How would you like to be remembered? Bilang taong bukas palad at mapagmahal, o bilang makasarili at walang pakialam sa kapwa? Kung ano ang magiging remembrance ng mga tao tungkol sayo, ay depende sa ginagawa mo ngayon. Sana tayo’y maging mabait sa paningin ng tao, at mayaman sa paningin ng Diyos.
No comments:
Post a Comment