Friday, August 6, 2010

Ganyan talaga ang buhay, parang life - Fr. Martin Mroz, fdp (REVIVE year 1 no. 19)


Ordinary Time – 19th Sunday - Cycle C – 2010

Mabuting Balita Lu 12:32-48


Sumasang-ayon ako kay San Pablo nang sinabi niya: “the good things that I want to do, I don’t do; and the evil that I want to avoid, it’s what I do.” Inisip ko na ganyan talaga ang buhay, parang life.

Ang buhay natin ay isang kaloob ng Diyos, hindi isang parusa, at dapat natin itong ingatan ng mabuti. Dapat maging handa tayo, dahil hindi natin alam kung kailan ito kukunin ng Diyos sa atin. Sa araw na iyon, hahanapan tayo ng Diyos ng bunga sa mga ipinagkatiwala sa atin at tayo’y magpapaliwanag kung ano ang ginawa natin sa mga ito, at kung bakit.

Itinutukoy sa Ebanghelio ang dalawang pagdating ni Hesus

Nang marinig ng mga unang Kristiyano ang Ebanghelio na binasa natin kanina, inisip nila agad na mararanasan nila bago pa sila mamamatay ang Pagbabalik ni Hesus sa Kanyang kaluwalhatian. Pero nang mamatay ang mga unang saksi ni Hesus, ay hindi pa Siya bumabalik, napagtanto nila na matagal pa bago bumalik si Hesus para sa Huling Paghuhukom. Hanggang ngayon hindi pa natin alam kung kailan ito mangyayari, pero nasasaad sa Ebanghelio na dapat maging handa tayo para sa araw na ito.

Hindi natin alam kung kailan babalik si Hesus sa katapusan ng mundo, araw na tinatawag din nating Parousia, at hindi din natin alam kung kailan darating si Hesus sa katapusan ng ating mga buhay.

At dapat maging handa din tayo para sa araw na ito. Marami ang ipinagkakatiwala sa atin, at hahanapan talaga tayo ng bunga sa ating gawain. Tayo’y katulad ng alipin na iniwan bilang tagapamahala sa sambahayan ng Panginoon. Habang wala pa siya, kung ang alipin na ito ay hindi sumusunod sa kalooban ng may-ari ng bahay, hindi inaalagaan ang mga kapwa alipin, sa halip, inaaway niya ang mga ito, pagdating ng Panginoon, sa oras na hindi alam ng alipin, parurusahan Niya ito.

Pero kung ang alipin ay magiging responsable at may pananagutan sa mga ipinagkatiwala sa kanya, pwede na siyang matulog ng mahimbing. Malaki ang gantimpala na kanyang tatanggapin sa langit. Kunwari, kung alam mong bukas ay mananalo ka sa lotto, siguradong ngayon palang ay masaya ka na. Ganyan din ang mararamdaman mo kung alam mo na masunurin ka sa Panginoon at kung parating na Siya.

Mabilis ang panahon

Ang ating buhay, na parang life, ay mabilis tumakbo. Habang tumatanda ka, parang lalong bumibilis ang panahon. Parang kailan lang ang huling Pasko, at ngayo’y buwan na naman ng Agosto. Pagdating ng September siguradong maririnig na naman natin ang mga Christmas songs. Haaay! Ang bilis talaga ng panahon.

Noong bata pa ako, inisip ko kung ano kaya ang itsura ko pag malaki na ako. Ngayon naman, iniisip ko kung ano ang magiging itsura ko pag matanda na ako. Sa loob ng sampu, o kaya ng labing-lima o dalawampung taon, ano kaya ang itsura ko? Sa tingin ko, marami na akong wrinkles sa noo, pero andyan pa rin ang buhok ko, sana. At sana di masyadong mataba at guwapo pa rin.

Pero mas mahalaga pa ang mga tanong na ito: ano kaya ang magiging ugali ko sa loob ng sampung taon? Mas magiging madalas ba akong magdasal? Mas magiging maunawain ba ako kaysa sa ngayon? Mas magiging honest ba ako?

Pwede din nating balikan kung ano tayo noong sampung taon na ang nakalilipas. Noon ba, tayo’y mas maka-Diyos kaysa sa ngayon? Noon, tayo ba’y mas maunawain? Noon ba, tayo’y mas honest kaysa sa ngayon?

Kung ang ating pagiging mapagmahal, mapagkumbaba at matulungin, ay may bawas taon-taon... ano na kaya ang ugali natin pagdating ng takdang panahon? Naku!

May nagsabi sa akin na ayaw niyang sayangin ang mga grasya na ibinigay ng Diyos sa kanya. Sinabi din niya na maraming biyaya na ang kanyang tinanggap, at kung hindi niya babaguhin ang kanyang masamang ugali, parang binababoy niya na rin ang mga regalo ng Diyos sa kanya.

Ganyan din tayo. Huwag nating sayangin ang mga regalo ng Diyos. Huwag din nating sayangin ang oras natin sa mga gawaing walang kabuluhan, bagkus, ay maglaan ng oras upang gawin ang kabutihan at alagaan ang mga taong dapat nating alagaan. Samantalahin natin ang bawat pagkakataon upang magbalik-loob sa Diyos, at dagdagan ang ating pagiging matuwid.

Habang lumilipas ang panahon, ayos lang naman kung nadadagdagan ang wrinkles sa noo, o kaya ang waist-line, huwag lang po ang kasalanan o ang katigasan ng ulo.

Konklusyon

Ang buhay natin ay parang life: ito ay galing sa Diyos at Kanyang kukunin ulit sa oras na hindi natin alam. Kaya dapat maging handa tayo palagi. Tayong lahat ay tatanda at huwag tayong matakot dito. Habang nadadagdagan ang mga taon ng ating buhay, sana lumalago din ang ating pagiging matuwid at matapat sa Diyos.


No comments:

Post a Comment