Saturday, August 14, 2010

Regalo, Gantimpala’t Propesiya - Fr. Martin Mroz, fdp (REVIVE year 1 no. 20)


Kadakilaan ng Pag-aakyat sa Mahal na Birheng Maria

Mabuting Balita Lu 1:39-56


Noong bata pa ako, sumali ako sa grupo ng mga sakristan sa aming kapilya. Araw-araw, pumupunta kami sa simbahan para maglaro ng soccer, magdasal ng rosaryo at magsimba. Sa totoo lang, sumali ako sa grupo noon dahil ang dami ng sports sa simbahan at ang laki ng soccer field doon. At siyempre marami ding outing. Para makapaglaro kami ng soccer noon, ang dapat muna naming gawin ay magdasal ng rosaryo at magsimba araw-araw.

Aaminin kong nagdadasal lang ako ng rosaryo noon, para lang makapaglaro ako ng soccer tuwing hapon sa simbahan. Ito talaga ang aking dahilan.

Ngayon, na malaki na ako at pari pa, iba na ang dahilan kung bakit nagdarasal ako ng rosaryo. Habang tayo’y lumalaki, kailangan din lumago ang ating pang-unawa tungkol sa mga religious practices na itinuro sa atin noong tayo’y mga bata pa.

Ako’y nagdarasal kay Mama Mary dahil alam ko sa aking isipan, at nararamdaman sa aking puso, na siya ang aking Mahal na Ina.

Si Maria, ang Ina ng Diyos, ay huwaran natin at modelo ng pagsunod kay Hesus. Iginagalang natin ang ating Mahal na Ina dahil siya ang ating gabay patungo kay Hesus. Ngayon sa kapistahan ng Kanyang Pag-aakyat sa langit, meron akong tatlong puntong gustong ibahagi sa inyo:

1. Ang Pag-aakyat ni Maria sa langit ay isang regalo na galing sa Diyos

Sinabi ni Maria sa Ebanghelyo nang dinalaw Niya si Elisabeth: “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon! (...) At mula ngayon, ako’y tatawagin mapalad ng lahat ng salinlahi. Dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan!” (Lk 1,46.48-49).

Mahal na Mahal ng Diyos si Maria, na pinili Niya bilang Ina ng Kanyang Bugtong na Anak. Ipinanganak si Maria na walang kasalanan, kaya siya lamang ang may titulong Immaculate Conception. Ang kanyang katawan ay banal na banal dahil dinala Niya si Hesus sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. At nang matapos na ang kanyang pamamalagi dito sa ibabaw ng mundo, hindi hinayaan ng Diyos na maagnas ang kanyang katawan bagkus iniakyat Niya ito sa langit.

Si Maria, sa kanyang katawan at kaluluwa, ay iniakyat sa langit dahil mahal siya ng Diyos at ito ay isa pang malaking regalo na ipinagkaloob sa kanya.

Ito ang ginawa ng Diyos kay Maria, ano naman ang ginawa ng Diyos para sayo? Ano ang dahilan sa tuwina’y nagagalak ang iyong puso?

2. Ang Kanyang Pag-aakyat sa langit ay isang gantimpala

Nasasaad sa mga Ebanghelyo na hindi madali ang buhay ni Maria. Sa Templo, sinabihan siya ni Simeon na paglalagusan ng isang punyal ang kanyang puso (Lk. 1,35); Nang gustong patayin ni Herodes ang sanggol, si Maria kasama ang butihing asawang si Jose, ay nagmadaling tumakas papuntang Ehipto (Mt. 2,13); Nabagabag si Maria nang mawala si Hesus sa Templo noong bata pa ito (Lk. 1, 45), inisip Niya siguro noon na hindi niya inaalagaang mabuti si Hesus. Siya’y naging saksi pa sa kamatayan ng kanyang sariling Anak (Jn.19, 25). Ang lahat ng mga paghihirap ni Maria sa buhay, sa kanyang pagiging mabuting ina, kasama rin dito ang kanyang pagiging matapat na alagad at masunurin sa Salita ng Diyos, ay nagkaroon ng gantimpala.

Ang pagiging Ina ng Diyos ay isang napaka-espesyal na biyaya, pero ang Kanyang pag-aakyat sa langit ay isang gantimpala sa kanyang mga nagawa. Tayo din ay gagantimpalaan ng Diyos sa katapusan ng ating buhay, sapagkat ang bawat munting mabubuting gawa natin ay nakikita ng Diyos at hindi ito kailanman nalilimutan.

3. Ang Pag-aakyat sa langit ay propesiya tungkol sa gagawin ng Diyos para sa atin

Hindi naman laging madali sumunod kay Hesus. Minsan tila napapagod na tayo o kaya’y nalilito. Kadalasan, malinaw naman ang dapat nating gawin, pero may mga panahon na mahirap makita ang tamang daan. Kapag ako’y nalilito, hindi ako humihingi sa Diyos ng mga “signs” upang mabatid ang Kanyang kalooban. Lalong nakalilito ang mga tanda. Sa halip, sinusubukan kong pansinin at basahin ang mga “signs” na dumarating sa akin.

Nahirapan din siguro si Mama Mary sa kanyang misyon bilang Ina ng Tagapagligtas. Sinabi ng Ebanghelista na si Lukas na iningatan at pinagnilayan ni Maria sa Kanyang puso ang lahat ng mga pangyayari (Lk 2,51). Pero hindi Siya sumuko, at nagkaroon Siya ng matinding pagpapasensya lalung-lalo na sa mga panahon kung kailan parang kailangan na niyang magtampo sa Diyos.

Siguro, naranasan din natin na parang sinaksak ang ating puso dulot ng matinding sakit na ating nadama, o kaya hindi natin inaalagaan ng husto ang mga mahal natin sa buhay, o kaya mawalan ng isang taong mahalaga sa atin. Nahihirapan din tayo paminsan-minsan sa ating misyon bilang alagad ni Hesus.

Magalak tayo, mga kapatid, dahil ang lahat ng ito ay magkakaroon din ng REWARD. Naging masunurin si Maria sa Diyos, kaya’t iniakyat siya sa langit, at tayo naman, kung magiging masunurin din sa Diyos tiyak makakamtan din natin ang Kanyang Kaharian. Kaya sinasabi natin na ang Pag-akyat ni Maria sa langit ay isang propesiya tungkol sa gagawin ng Diyos para sa atin.

Ang Pag-akyat sa langit ay isang regalo para kay Maria, gantimpala sa Kanyang mga nagawa, at propesiya para sa ating mga naglalakbay sa Kanyang huwaran.


No comments:

Post a Comment