
Mabuting Balita Lu 13:22-30
Mahirap ipaliwanag kung paano mabuhay sa paraiso at kung gaano kasaya ang manatili sa presensya ng Diyos magpakailanman. Pero mas mahirap sagutin kung sino ang makakapasok sa kanyang Kaharian at kung sino ang hindi.
Sa ebanghelyo ngayon, may nagtanong kay Hesus kung kakaunti lang ba ang maliligtas. Pero hindi Niya ito sinagot bagkus sinabi niya: “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan” (Lk. 13:24).
Ano kaya ang makipot na pintuang ito na sinasabi ni Hesus? Alam natin na mahirap makapasok sa isang makipot na pintuan o bintana, o kaya ang dumaan sa isang makitid na kalsada. Mas madali at maginhawa pang dumaan sa maluwag na kalye. Pero malinaw ang mensahe ni Hesus nang sinabi Niya na maluwag ang daan patungong impiyerno.
Hindi madaling makapasok sa Kaharian ng Diyos. Nararanasan natin ito tuwing tayo’y nasa crossroads ng buhay kung saan kailangan nating pumili sa dalawang daan. Ang isa ay makipot at mahirap daanan samantalang yung isa ay maluwag, maliwanag at tila marami ang dumadaan dito.
Sa dalawang choices na ito, hindi natin nakikita ang hangganan pero nalalaman natin sa buhay ng mga nagdaan na dito kung paano sila nagtapos. Ang mga nahirapan sa daan ng kabutihan ay naging maganda ang kinalabasan ng kanilang ginawa at nailuklok pa sa pedestal pero sa mga dumaan sa landas ng kasamaan ay hindi naging kaaya-aya ang kanilang katapusan.
Itinutuwid ng Panginoon ang mga iniibig Niya
Mahal tayo ng Diyos at hindi niya hahayaang mawala tayo sa Kanya ng ganun na lamang. Sa ikalawang pagbasa nabasa natin ang sulat sa mga Hebreo: “Sapagkat pinarurusahan ng Panginoon ang mga iniibig Niya, at pinapalo ang itinuturing Niyang anak” (Heb 12:6). Marami ang mga paaran kung paano ipinaparamdam ng Diyos ang kanyang mabigat at mapagmahal na kamay. Siya’y katulad ng isang Ama na ipinapakita ang lubhang pag-aalala sa Kanyang anak kapag ito’y lumalabag sa utos o nagiging pasaway.
Madalas ikuwento ni San Luigi Orione, ang apostol ng pagkakawanggawa, na kahit nasasaktan siya sa pagpalo ng kanyang ina, ito’y nakatulong sa kanyang paglaki bilang mabuting bata. “Banal na pagpalo ang ibinigay sa akin ng aking ina...”, ito ang lagi niyang sinasabi. Sa tuwing pinapalo siya ng kanyang mga magulang, siya’y lalong nagpapakabuti.
Tulad din ng karanasan ko. Noong bata pa ako, masakit talaga kapag pinapalo ako ng mama ako. Pero malaki ang pasasalamat ko sa kanya dahil itinutuwid niya ako sa pamamagitan ng mga kastigo o parusa. Kahit masakit ay may pagmamalasakit ang mga ito. Sinasabi sa akin ng mga magulang ko: “Anak, sa tuwing pinapalo ka namin, kung masakit sa’yo, mas masakit para sa amin.”
“Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan”
Hindi sinabi ni Hesus kung kaunti o marami ang maliligtas. Sa halip, sinagot Niya ang nagtanong sa Kanya: “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan.”
Huwag nating pag-aksayahan ng panahong isipin kung sinu-sino ang makakapasok sa paraiso o sa impiyerno, sa halip, ang dapat nating gawin ay pagsikapang pumasok sa paraiso.
Kapag tinitingnan ko ang buhay ng mga mahal ko, iniisip ko kung ang bawat isa sa kanila ay tatanggapin din ng Diyos sa Kanyang kaharian. Minsan nag-aalala ako kapag sa tingin ko ang isang taong mahalaga sa akin ay malayo sa Diyos. Iniisip ko kung ano ang pwede kong gawin. Una, magdasal para sa kanya; pangalawa, huwag lumayo sa kanya; pangatlo, bigyan siya ng mabuting payo’t halimbawa.
Ang kaligtasan natin ay nagsisimula sa pagtanggap natin ng grasya ng Diyos. Hindi sapat ang magdasal o magsimba lamang. Kailangan ding makilala natin ang Diyos ng buong puso, isip at kaluluwa, at magbunga ito sa pagiging mabuting Kristiyano natin.
Mas kaaya-ayang marinig na ang isang taong malayo sa Simbahan ay nananatiling mabuting tao kaysa naman malapit siya sa Simbahan pero ang puso naman niya’y malayo sa Diyos.
Tutulungan tayo ng Diyos pero kailangan na tulungan din natin ang ating mga sarili. Tuwing ako’y nagmamaneho sa Manila at bumper-to-bumber ang traffic, hindi ko mapigilang hindi sumulyap sa mga plate number na may nakasulat na: “angat ang pinoy.” Maganda kung gagawin din nating motto: “angat ang katoliko.” Sa pamamagitan ng sikap at tiyaga, magiging karapat-dapat din tayo sa presensya ng Diyos.
Konklusyon
Ang daan patungo kay Hesus ay mahirap tahakin at baybayin pero tiyak bibigyan Niya tayo nang lakas upang makarating sa Kanya. Kung magsusumikap tayo, we won’t regret following Jesus. “To follow Jesus is not always easy but it is always right.” Promise!!!
No comments:
Post a Comment