Saturday, July 31, 2010

Mayaman sa paningin ng Diyos – Fr. Martin Mroz, fdp (REVIVE year 1 no. 18)


Ordinary Time – 18th Sunday - Cycle C – 2010

Mabuting Balita Lu 12:13-21


Naranasan mo ba ang alitan sa isang pamilya ng dahil sa pera, o sa mana? Noong kapanahunan ni Jesus, pag may hindi nagkakasundo sa isang pamilya tungkol sa mana, nagpupunta sila sa mga rabbi - ang mga guro ng Kasulatan, para humatol. Ngayon, binasa natin sa Ebanghelio na may taong nagpunta kay Hesus upang isumbong ang kanyang kapatid dahil ayaw makibahagi ng kanyang mana.

Pero hindi pumayag si Hesus na maging huwes sa alitan nila. Sinamantala Niya ang kanilang hindi pagkakaunawaan upang magturo tungkol sa kabuluhan ng buhay. Kaya sinabi niya: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan” (Lc 12, 15).

Mayaman sa lupa, o mayaman sa langit?

Hindi naman maling maghangad na magkaroon ng maraming pera o materyal na bagay, dahil kailangan natin ito upang mabuhay. Pero kung makapasok ang kasakiman o greed sa puso ng tao, at ito lamang ang mahalaga sa buhay niya, na para bang wala na siyang malasakit sa kapwa, ang materyal na bagay ay magpapalayo sa kanya sa Panginoon.

Sinabi ni San Pablo sa ika-2 pagbasa: “Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panglupa.”(Col 3,2) Kung masyadong abala ang tao sa mga bagay na panglupa, ito’y magiging makamundo. Ngunit, kung ang focus ay sa mga espiritual na bagay, siya’y magiging maka-Diyos.

Meron akong isang kaibigan na walang trabaho. Binigyan siya ng nanay niya ng isang libong piso. Kinuha niya ito at nag-isip: “May isang libo na ako, iingatan ko ito ng husto...” Kinabukasan, ang kanyang kapatid na pamilyado ay nagkaroon ng problema at kailangan nito ng pera. Inisip ng kaibigan ko na kahit anong mangyari, hindi niya ibibigay ang isang libong piso. Pinag-isipan niya ito ng mabuti at sa wakas, pinili niyang magpaka-banal, ito mismo ang kanyang sinabi. Kaya ipinahiram niya ang pera sa kanyang kapatid at alam ko, nang mga oras na iyon, nadagdagan na ang kanyang kayamanan sa langit.

Pero kung gusto mong dito sa lupa dumami ang iyong kayamanan, mag-ingat ka. Marami ang maaapektuhan dahil sa hangad ng taong yumaman. Dito sa Pilipinas, nasa kamay ng ilang makapangyarihang pamilya lamang ang kayamanan ng bansa, samantalang ang karamihan sa mga mamamayan ay nalulunod sa kahirapan. Ang mga mayayaman, ay yumayaman, habang ang mga mahihirap naman ay lalong naghihirap. We need a fair distribution of the goods and resources of the country.

Ang dahilan kung bakit may mga mahihirap sa Pilipinas ay malubha na ang kasakiman ng tao. Kaya minsan, nasasabi natin na kung walang kurakot, walang mahirap. Ang pondo ng bayan ay napupunta sa bulsa ng ilang tao lamang. Naniniwala ako na makatarungan ang Diyos. Ano ang mangyayari sa kanila? Sasabihin sa kanila ng Diyos: Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?” Sinabi pa ni Hesus: “Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos” (Lc 12-21).

Mayaman sa paningin ng tao, dukha naman sa paningin ng Diyos

Dapat maging mayaman tayo sa paningin ng Diyos at pag-isipan kung paano natin ginagamit ang mga materyal na bagay. Itanong natin sa ating mga sarili kung ito ba ay nakatutulong sa iba o sa ating sarili lamang; kung ito’y nakatutulong upang tayo’y maging mabuti, o sa halip, ito’y nagiging hadlang sa ating pang-espiritual na buhay?

May isang taong may pabrika ng dinamita noon, ang pangalan niya ay si Alfred Nobel. Nang mamatay ang kanyang kapatid, ang akala ng isang journalist ay siya ang namatay. Kaya ang obituary niya ang nai-publish sa peryodiko, hindi ang obituary ng kanyang kapatid. Nalungkot si Alfred nang mabasa niya ang nasa peryodiko: “Namatay ang Hari ng Dinamita!” Napagtanto niya na masaya ang mga tao dahil sa akalang siya ang namatay. Sa tingin kasi nila, yumaman si Alfred dahil sa dinamitang ginamit sa digmaan. “Ito pala ang tingin nila sa akin, na masamang tao ako! Ang sakit naman! Magbabago na ako!” Simula noon, nagbago na nga siya. Ayaw na niyang maaalaala pa siya ng mga tao bilang isang businessman na yumayaman habang may namamatay dahil sa kanyang produkto. Mayaman siya sa paningin ng tao, pero dukha’t hangal naman siya sa paningin ng Diyos.

Gusto na niyang magbago ang pagtingin ng tao sa kanya. Kaya ginamit niya ang kanyang pera para sa mga programa’t imbestigasyon para sa human development. Nagbigay din siya ng grants sa mga taong kumilos upang magkaroon ng kapayapaan sa mundo. Ngayon, pag binabanggit ang pangalan ni Alfred Nobel, hindi na natin naaalala ang dinamita, kundi ang Nobel Peace Prize na kanyang sinimulan.

Kung ikaw mismo ang magsusulat ng iyong obituary na ipa-publish sa peryodiko, ano ang nais mong isulat? How would you like to be remembered? Bilang taong bukas palad at mapagmahal, o bilang makasarili at walang pakialam sa kapwa? Kung ano ang magiging remembrance ng mga tao tungkol sayo, ay depende sa ginagawa mo ngayon. Sana tayo’y maging mabait sa paningin ng tao, at mayaman sa paningin ng Diyos.


Saturday, July 24, 2010

Jesus, turuan mo kaming manalangin - Fr. Martin Mroz, fdp (REVIVE year 1 no. 17)


Ordinary Time - 17th Sunday – Cycle C - 2010

Mabuting Balita Lu 11:1-13

Kapag pumupunta ako sa simbahan para magdasal, maraming beses nang nangyari sa akin na parang hindi ko alam kung ano ang magiging panalangin ko. Ganito din siguro ang naranasan ng taong lumapit kay Jesus at nagsabi: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin...” (Mt 11,1).

At sinabi ni Jesus: “kung kayo’y mananalangin, ganito ang sasabihin ninyo...” At binigay Niyang halimbawa ang panalangin na tinatawag nating Ama Namin.

Sa presensya ng Diyos

Sa simula ng panalangin, nakipag-usap si Jesus sa Diyos bilang Anak sa Kanyang Ama. Iniisip ko na kung Pilipino si Jesus, ganito ang Kanyang sasabihin: “Tay! Andito na naman kaming mga anak mo...” Mahalaga ito upang ilagay ang ating mga sarili sa presensya ng Diyos.

Ako din, bago magdasal, inilalagay ko muna ang sarili ko sa presensya ng Diyos. Humihinga ako ng malalim, tumitingin sa larawan ni Jesus o kaya’y pinipikit lamang ang mga mata, at sinasabi: “Jesus, hi! It’s me...” At magsisimula na akong manalangin. Mahalaga na ang pag-iisip natin ay nasa presensya ni Jesus, dahil Siya ang ating kakausapin. O kaya naman ay sa presensya ni Maria, kung sa kanya tayo lalapit.

Pagkatapos, pinuri ni Jesus ang Diyos: “Sumasalangit ka, sambahin ang ngalan mo.” At kailangan din ito upang matandaan natin kung gaano kagaling ang Diyos. Importante din ang pagpupuri sa Kanya upang pagbigyan tayo sa mga kahilingan natin.

Kung meron kang kailangan sa isang tao, ano ang gagawin mo? Tatarayan mo ba siya o aamuhin mo siya? Siyempre, aamuhin mo, sometimes to the point na binubola mo na ang tao upang pagbigyan ka. Pero ang Diyos ay hindi kinakailangang bolahin, kundi pinupuri upang matandaan natin kung gaano Siya kadakila.

Sinabi pa ni Jesus: “Mapasaamin ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit.” Tayo ay sumusunod sa loob ng Diyos, at sa ating pagiging masunurin, magsisimula ang Kanyang Kaharian sa ating mga buhay, sa ating mga pamilya, at sa ating komunidad. Ano ba ang kalooban ng Diyos para sayo ngayon?

Pagmamalasakit at kapatawaran

Itinuloy ni Jesus ang Kanyang panalangin: “Bigyan mo kami ng aming kakanin.” Sa salitang “kakanin” isinasama ang lahat ng bagay na kailangan natin upang mabuhay. Kung sa ngayon, ito ang dapat nating idalangin: “Bigyan mo kami ng tubig!” Sa mundo, there is enough of everything for everybody. Ang dapat nating gawin ay magkaroon ng pagmamalasakit sa kapwa, at tiwala sa Diyos.

Pag meron tayong hihingin sa Panginoon, dapat pag-isipan muna natin itong mabuti. Minsan may taong pumunta sa isang pari. “Father, manalangin po kayo sa misa para kay Jenny; sana magtagumpay siya. Narito po ang love offering.” At inabot sa pari ang limang envelopes, upang mapagmisahan si Jenny sa loob ng limang araw. At nagdasal ang pari para kay Jenny. Nang makabalik ang taong iyon, masayang masaya na siya: “Father, salamat sa panalangin ninyo! Ang galing ni Jenny, ang aking kabayo! Nanalo siya sa karera!”

Mali naman iyon! Huwag tayong manalangin upang manalo lamang sa lotto, kundi upang magkaroon ng magandang trabaho. Huwag din nating sabihin sa Diyos: “tanggalin mo na sa akin ang krus na ito!”; sa halip, sabihin natin sa Kanya: “bigyan mo ako ng lakas...”

Sa panalangin ni Jesus, binanggit din Niya ang pagpapatawad: “Patawarin mo kami sa aming mga sala, para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.” Itinuro ni Jesus sa tao ang Ama Namin dahil nais Niya tayong matutong manalangin. Nais din Niyang iparating na bago tayo matutong manalangin, matuto muna tayong magpatawad.

Alam na natin na kung meron kang sama ng loob sa isang tao, at ayaw mo siyang patawarin, mahirap manalangin sa Diyos. Alam din natin na kung ayaw mong pagsisihan ang iyong mga kasalanan, parang may kulang sa dasal mo.

Hindi ibig sabihin na kailangang maging malinis muna ang puso mo bago magdasal. Ang dapat nating gawin ay pagsisihan ang mga kasalanan bago magdasal at humingi din ng grasyang magpakabanal. Kaya sa unang bahagi ng Banal na Misa inaamin natin ang ating mga kasalanan.

Konklusyon

Kailangan natin ang pagkain para sa ating katawan, at ang panalangin para sa buhay ng ating espiritu. Araw-araw pwede tayong manalangin kay Jesus at sa ating Mahal na Ina, at kausapin sila na parang kinakausap natin ang isang kaibigan. Nawa’y matuto tayong manalangin.


Sunday, July 18, 2010

Isa lamang ang talagang kailangan - Fr. Martin Mroz, fdp (REVIVE year no. 16)


Ordinary Time – 16th Sunday – Cycle C – 2010
Mabuting Balita Lu 10:38-42


Sa talinghaga ng Mabuting Samaritano na binasa natin noong nakaraang Linggo, inanyayahan tayo ni Jesus na magmuni-muni tungkol sa pakikitungo natin sa ating kapwa.

Ngayon naman, binasa natin ang karugtong ng talinghagang ito, sa kapitulo 10 ng Ebanghelio ayon kay San Lucas. Sa pagdalaw ni Jesus kina Marta at Maria, inaanyayahan tayong mag-isip tungkol sa pakikitungo natin sa Diyos.

Kung ang kapwa natin ay dapat tulungan at paglingkuran, ang ating Diyos naman ay dapat pakinggan at bigyan ng oras.

Lubos na pagbibigay-pansin kay Jesus
Nang dumalaw si Jesus, si Marta ay naglilinis at nagluluto, samantalang si Maria, na kanyang kapatid, ay nakaupo lamang sa paanan ni Jesus para makinig sa Kanya. Nagalit si Marta dahil siya lang ang nag-aasikaso sa lahat, at siya’y nagparinig.

Pero sumagot naman si Jesus: “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti.”

Paano kung ito kaya ang naging sagot ni Marta? “Oh, sige na nga. Magpapahinga na lang ako. Pag gutom na kayong dalawa, magsaing na lang kayo. Bye.” Pero hindi.

Tama naman ang ginawa ni Marta, kailangang may nag-aasikaso sa lahat ng mga gawain. Pero ang tunay na mahalaga ay hindi lamang pakainin si Jesus, kundi Siya’y pakinggan rin. Kaya pinuri ni Jesus si Maria, dahil siya’y nakaupo at nakikinig sa Kanya.

“Isa lang ang talagang kailangan,” ang sabi ni Jesus. At ano kaya ito? Si Jesus ay panauhin ni Marta, pero dahil masyado siyang abala sa gawaing bahay, wala na siyang oras para kay Jesus. Siguro, mabuti para kay Jesus na masipag si Marta, pero bilang panauhin, gusto din Niyang sa Kanya nakatuon ang attention ng kanyang mga kaibigan.

Maaaring tayo’y katulad ni Marta. Pag may bisitang dumadalaw sa atin, kahit pinagsisilbihan natin siya, pagkaalis niya, siguro mararamdaman nating hindi siya naasikaso ng mabuti dahil mababaw lang ang ating pakikipag-usap sa kanya.

Minsan nagbakasyon ang isang OFW sa kanyang bayan. Malugod siyang tinanggap ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan, at maraming handa noon para sa kanya. Pagkatapos ng ilang araw, nag-abroad ulit ang batang worker, at saka lamang napansin ng kanyang mga kaibigan, na sa sandaling panahong nagkasama sila, wala man lamang nagtanong sa kanya: “Ok ka lang ba doon? Masaya ka ba? May problema ka ba doon?”

Ang ating gawain sa Simbahan
Sa ating paglilingkod sa Simbahan, maaaring tayo’y katulad ni Marta. Marami tayong ginagawa para sa Simbahan at grupo natin, na minsan parang kulang ang ating oras para kay Jesus.

Mahalaga sa paningin ni Jesus ang ating ginagawa, pero mas mahalaga kaysa dito, ang ating pagdarasal. Kailangang paglingkuran ang ating kapwa, ang ating mahal na Simbahan, at higit sa lahat, kailangang bigyan si Jesus ng sapat na oras para sa pagdarasal.

Maliban sa ating pagsisimba, pagnonobena at pagrorosario para sa ating espiritual na buhay, kailangang meron din tayong oras para sa tahimik at personal na pagdarasal.

Sa katahimikan, maririnig natin ang tinig ng Diyos, at tayo’y dapat na lumapit sa Kanya. Sinabi din minsan ni Jesus: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko” (Mt 11, 28).

Si Saint Luigi Orione, ang nagtatag ng aming Kongregasyon. May isang board sa kanyang silid at ang nakasulat: “Ang Diyos lamang.” Tuwing papasok siya sa kanyang kwarto, ang sulat na ito ang siyang nagpapaalala sa kanya na isa lang ang talagang kailangan: tiwala sa Panginoon. Kahit pagod na siya, at abalang-abala sa maraming bagay, nagkakaroon pa rin siya ng kapayapaan sa kanyang puso, dahil lagi siyang nagdarasal, at nananatili sa presensya ng Diyos.

Bago tayo magplano ng mga gawain, manalangin muna tayo. Habang gumagawa, magdasal pa rin tayo; at pagkatapos ng mga gawaing ito, magpasalamat tayo sa Diyos, nang sa gayon, pagpapahingahin Niya tayo.

Konklusyon
Maraming mahahalagang bagay sa buhay natin. Pero sa priority list natin, unahin natin ang pagbibigay ng oras para sa Diyos. Ang ating pagsisimba at pagdarasal ng rosario o nobena ay magiging lalong makabuluhan kapag meron tayong tahimik at personal na panalangin sa Kanya. Gayun din naman, ang panalangin at ang pagbibigay-pansin natin kay Jesus, ang siyang magpapalakas sa atin sa paglilingkod sa Simbahan at sa ating kapwa.

Saturday, July 10, 2010

Sino naman ang aking kapwa? - Fr. Martin Mroz, fdp (REVIVE year 1 no. 15)


Ordinary Time – 15th Sunday – Cycle C – 2010

Mabuting Balita Lu 10:25-37

Minsan may isang lalaking naglalakbay mula sa Jerico papuntang Jerusalem. Madaling-araw pa lamang ay umalis na siya kaya madilim pa. Sa tabi ng daan, may isang malalim na butas. Hindi niya ito napansin sa kanyang paglalakad kaya siya ay nahulog.

Maya-maya may dumaan na saserdote. “Tulong! Tulong!” – sigaw ng lalaki. Sumilip ang saserdote sa butas, at sinabi: “Gusto sana kitang tulungan kaya lang nagmamadali ako. Huwag kang mag-alala dadaan dito ang Mabuting Samaritano, siya na lang ang tutulong sayo!”“Wait! Pakinggan mo ako!” – sinabi ng tao, ngunit nakaalis na ang saserdote.

Sumunod na dumaan ang eskriba. “Tulong! Tulong!” – sumigaw ang tao. Sumilip ang eskriba sa butas, at ang sabi: ““Gusto sana kitang tulungan kaya lang nagmamadali ako. Huwag kang mag-alala dadaan dito ang Mabuting Samaritano, siya na lang ang tutulong sayo!”“Wait! Pakinggan mo ako!” – sinabi ng tao, ngunit nakaalis na ang eskriba.

Napadaan din doon ang isang pariseo. “Tulong! Tulong!” – sumigaw ang tao. Sumilip ang pariseo sa butas, at ang sabi: ““Gusto sana kitang tulungan kaya lang nagmamadali ako. Huwag kang mag-alala dadaan dito ang Mabuting Samaritano, siya na lang ang tutulong sayo!”“Wait! Pakinggan mo ako!” – ang sabi ng lalaki at bago pa makaalis ang pariseo, sumigaw muli ang lalaki mula sa ilalim ng butas: “Ako nga po ang Mabuting Samaritano!”

Walang ibang makatutulong sa kanya, kundi ang taong dumadaan doon. Pero dahil sila ay abala sa kani-kanilang gawain, wala silang oras upang tulungan ang taong nangangailangan.

Walang ibang kikilos kundi ikaw

Sa ating paglalakbay, nangyayari din sa atin na may nadadaanan tayong mga taong nahulog sa butas, sumisilip lang tayo at tumutuloy na sa paglakad dahil abala tayo sa ating mga sariling problema at inaasahan natin na iba ang tutulong sa kanila.

Kadalasan, tayo lamang ang instrumento ng Diyos sa buhay ng isang tao. Na sa tingin ng sanlibutan, tayo ay isang tao lamang, pero pwedeng mangyari na sa tingin ng isang tao, tayo ang sanlibutan.

Huwag tayong maghintay na iba ang kikilos. Huwag tayong umasa na iba ang gagawa ng kaya nating gawin. Kung masyado tayong focus sa ating mga sarili, hindi natin makikita kung paano tayo makatutulong sa ating kapwa.

Sinabi ni Jesus sa talinghaga kung ano ang ginawa ng Mabuting Samaritano: “Nakita niya ang hinarang at siya’y nahabag.” Sa kwento ni Jesus, napansin ng saserdote at ng Levita na may tao sa daan, pero wala silang ginawa, tiningnan lang nila ito. Pero ang Samaritano lamang ang nakapansin at nahabag sa taong hinarang. At hindi lamang nahabag, kundi tinugunan pa niya ang pangangailangan ng taong ito. Ang lahat ay nagsisimula sa mata – na nakakikita - at sa puso - na nakadarama.

Maging Mabuting Samaritano

“Sino naman ang aking kapwa?” – ang tanong ng eskriba kay Jesus. Na akala mo’y hindi niya alam kung paano sundin ang utos ng Diyos na dapat mahalin natin ang ating kapwa.

Sinabi ng Diyos sa unang pagbasa: Ang Kautusang binibigay ko ngayon sa inyo ay madaling sundin at unawain. Hindi naman mahirap malaman kung ano ang gusto ng Diyos sa atin. Pero minsan nakapikit ang ating mga mata. Alam natin kung ano ang tama kahit humihingi pa tayo ng payo, hindi dahil “hindi natin alam” kundi dahil naghahanap tayo ng magsasabi sa atin: “Tama ka.” But deep inside our hearts we already know what is right and what is wrong.

Sinabi din ni Yahweh: Ang Kautusan ay di malayo sa inyo: nasa inyong bibig, nasa inyong puso, kaya magagawa ninyo.” Magpakatotoo tayo mga kapatid at sundin natin ang kalooban ng Diyos.

Noong nakaraang dalawang linggo, narinig natin sa Ebanghelyo (Lc 9,51-62), na hindi tinanggap ng mga Samaritano si Jesus, dahil siya’y isang Hudio at magkaaway noon ang mga Samaritano at mga Hudio. Sa tingin nila, may pagka-pagano ang mga Samaritano. At ngayon naman, pinili ni Jesus ang isang Samaritano bilang bayani sa kanyang talinghaga. Ito’y nakapagtataka.

Inaasahan natin na ang mga naglilingkod sa templo noong kapanahunan ni Jesus, katulad ng saserdote, ng Levita, ng pariseo, at ng eskriba, ang mga magiging matulungin sa kapwa. Pero wala silang maipakitang habag.

Siguro nais iparating ni Jesus, na pati ang mga taong sa tingin natin ay makasalanan ay maaaring magpakita ng higit na pagmamalasakit sa kapwa kaysa sa mga taong sa tingin natin ay maka-Diyos.

Konklusyon

Nawa maging bukas ang ating mga mata at handa ang ating mga puso upang makita natin ang ating kapwa, maramdaman ang awa at habag sa kanila nang sa gayon maging matulungin at mapagmahal tayong tulad ng Mabuting Samaritano.