Saturday, September 18, 2010

Pagiging mahinahon - Fr. Martin Mroz, fdp (REVIVE year 1 no. 25)


Ordinary Time – 25th Sunday Cycle C – 2010

Mabuting Balita Lu 16:1-13


Noong unang panahon sa Italya, maraming kabataan ang gustong sumunod kay Saint Luigi Orione at maging isang pari. Nang mga panahong iyon, may isang bata sa minor seminary na galing sa isang mahirap na pamilya. Masaya siyang pumasok sa seminaryo at sinulatan niya ang kanyang ina: “Nay, maganda dito. Palagi akong busog at ang kaluluwa ko’y maliligtas.” Tila parang naging “buy-one-take-one” ang kanyang pagpasok sa seminaryo: hindi na siya mag-aalala kung meron siyang makakain o wala, at pupunta pa siya sa langit.

Minsan, may pumasok na isang tao sa isang bahay-pari. Nakita niyang maganda ang mga kasangkapan sa bahay, maluwag at malinis, puno ng laman ang ref at malaki pa ang TV. Kaya sinabi niya sa mga pari: “If this is poverty, show me chastity!”

Kaming mga pari’y gumagawa ng “vow of poverty,” pero di kami kukulangin sa pambili ng pagkain, damit, gamot, at house-and-lot. Ngunit laging dapat na pinag-iisipan namin ng maigi na tama ang paggamit ng pera.

Pagsubok sa ating lahat ang tamang paggamit nito. Dapat pag-isipan ang mga pangangailangan ng pamilya at ng sarili. Dapat pag-isipan din kung paano maipakita ang pagmamalasakit sa ibang tao sa pamamagitan ng pagiging bukas-palad at maalalahanin.

Magiging masama ang pera kung ito lamang ang nasa isip ng tao, at nagkakasala na siya nang dahil dito. Ano ba ang mas mahalaga para sa atin? Sinabi ni Jesus: Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”

Noong nakaraang dalawang linggo, narinig natin na sinabi ni Jesus na kailangang itakwil ang pag-ibig sa pamilya para maging alagad niya. Hindi Niya ibig sabihin noon na di mo sila dapat mahalin at hindi Niya ibig sabihin ngayon na masama ang pera. Ang pag-ibig sa Kanya ay dapat maging mas higit pa sa pag-ibig sa pamilya, at ang paglilingkod sa Diyos ay dapat maging prayoridad dahil mas mahalaga ito sa anumang kayamanan.

Magaling ang katiwala

Ang talinghaga ngayon ay tungkol sa pagiging mahinahon. Hindi natin alam kung totoo o kasinungalingan ang sumbong laban sa katiwala. Pero hindi lang siya ang apektado. Nang dahil sa tsismis nasira din ang dangal ng panginoon dahil kumalat na niloloko siya ng kanyang alipin. Ang dangal ng panginoong ito ang importante sa kanya kaya aalisin na niya ang kanyang katiwala para malaman ng lahat kung sino ang hepe kahit hindi totoo ang tsismis laban sa tauhan niya.

Dahil mahalaga para sa panginoon ang tingin ng tao sa kanya, nag-isip ang katiwala kung ano ang maaari niyang gawin upang mabago ang nasirang dangal. Tinawag niya ang mga may utang at ibinaba niya ang halaga ng bawat utang para makita nila na maawain at bukas-palad ang panginoon. Lihim pa ang pinag-usapan ng katiwala at ng panginoon kaya inisip ng mga may utang na ang panginoon mismo ang nagpatawad sa utang. Ito naman ang ikinalat sa bayan kung gaano siyang kabait. Ang kanyang sariling kita ang siguro’y ibinawas ng katiwala sa utang ng mga tao. Ihinain ng alipin ang kanyang kikitain para lumabas na mabait ang kanyang panginoon.

Kaya pinuri siya dahil naging mahinahon siya sa oras ng kapighatian at hindi na siya inalis sa kanyang posisyon, bagkus, ipinakita sa mga nagkalat ng tsismis laban sa kanya kung gaano siya katalino.

Marunong naman tayong gumawa ng paraan

May isang tanong na galing sa ebanghelyo ngayon: Kung marunong tayong gumawa ng paraan pagdating sa mga materyal na bagay at mga pangangailangan sa buhay, marunong din tayong gumawa ng paraan pagdating sa mga espirituwal na bagay, o mga pangangailangan para sa Kaharian ng Diyos?

Naalala ko tuloy ang mama ko na nagtatrabaho dati sa isang cleaning company, at umuuwi sa bahay alas-syete ng umaga sapagkat night-shift siya. Pagkatapos ng kaunting pahinga, bumabangon na siya para magbukas ng tindahan namin at aasikasuhin ang mga gawaing bahay. Hanggang ngayon siya’y masipag na masipag pa rin. Ginawa niya ang lahat ng ito para may makakain kami, makapag-aral at magkaroon ng magandang kinabukasan.

Kadalasan ang pinagtutuunang-pansin ng mga tao ay ang pagkakakitaan ng pera, para lang magkaroon ng maganda o maayos na buhay, at gagawa sila ng paraan upang maabot ang kanyang kahilingan.

Inaanyayahan tayo ni Hesus na gamitin din ang ating katalinuhan at pagiging mahinahon para mag-ipon tayo ng kayamanan sa langit, maisabuhay ang Kanyang salita, at simulan sa ating piling ang Kaharian ng Diyos.

Kung magpupursige tayo na dumami ang ating kayamanan sa lupa, at minsan parang walang kapaguran pagdating dito, ganyan din pagdating sa mga bagay na panlangit.

Konklusyon

Kung ang paglilingkod sa Panginoon ang ating prayoridad sa buhay, magiging maayos din ang ating hanapbuhay. Ang ating katalinuhan at pagiging mahinahon pagdating sa ating hanapbuhay, ang siyang dapat gamitin pagdating din sa ating espirituwal na buhay.

1 comment:

  1. Salamat at may nababasa akong ganitong Blog.Im Jennifer Yumura of Yamagata Japan.I got this site sa isang letter na pinadala sa akin ng sister ko from Manila.Isa po ako sa nagdonate sa batang nagngangalang Jonathan Mangua 6 years old boy na may sakit na Trachea and Esophagus.Narinig ko po ang panawagan ng pari at mga staffs ng Payatas Orione Foundation,sa isang radyo Station sa Manila.At akoy natutuwa at nakatulong ang aking munting donasyon kay Jonathan.Hindi ko na po pinabangit sa sister ko ang name ko,yung sister ko na lang pong si Jacqueline Velasquez ang pinasabi ko.Nabasa ko rin po na parang aalisin na ninyo soon ang Blog na ito.Sana po huwag.
    May Blog din po ako,kung nais po ninyong bisitahin ang Blog ko e punta po kayo sa http:bloglara.wordpress.com

    I hope someday makabisita ako sa Payatas Orione Foundation.thank you po at God Bless po sa inyong lahat.

    ReplyDelete