Saturday, September 4, 2010

Sus, itakwil daw ang pamilya... - Fr. Martin Mroz, fdp (REVIVE year 1 no. 23)


Ordinary Time – 23th Sunday Cycle C – 2010

Mabuting Balita Lu 14:25-33


Kung tatanungin ako kung ano ang pinakadakilang regalong ipinagkaloob sa akin ng Panginoon, ito ang isasagot ko: “ang aking pamilya.” Mahal na mahal ko sila, kahit minsan may mga pagkukulang, o hindi man kami palaging nagkakasundo sa lahat ng bagay. Mahalaga sa bawat isa ang sariling pamilya, lalo na dito sa Pilipinas, kung saan malakas ang kaugnayan ng bawat tao sa kani-kanilang pamilya.

Sa kapanahunan ni Hesus, matatag din ang kaugnayan ng bawat tao sa pamilya. Noong panahong iyon, ang pamilya ang siyang nagbibigay ng pagkakakilanlan sa tao. Nakikilala ang bawat isa ayon sa kanyang pinanggalingan, at galing dito ang halaga ng isang tao. Ito siguro ang naging kasabihan noon: “sabihin mo sa akin kung ano ang apelyido mo at sasabihin ko sayo kung sino ka.”

Kaya nakapagtataka ang sinabi ni Hesus: “kung may dumating sa akin na hindi nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama’t ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki o babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya pwedeng maging alagad ko.”

Ano kaya ang inisip nila nang marinig nilang dapat munang itakwil ang pamilya bago sumunod kay Hesus, kung ang pamilya ang talagang mahalaga sa buhay ng tao? Baka ito ang sinabi nila: “Sus! Itakwil daw ang pamilya sabi ni Hesus!”

Sa Kanyang bansa, palaging ginagamit nila ang salitang “takwil,” pero ang ibig nilang sabihin ng itakwil mo ang isang tao, ay dapat na ilagay ang pag-ibig mo sa kanya sa ikalawang pwesto. Ang utos: “mahalin si Hesus at itakwil ang ama’t ina,” ay ibig sabihin: “mahalin si Hesus nang higit pa kaysa ama’t ina.” Gusto ni Hesus na ang pag-ibig natin sa Kanya ang nasa unang pwesto. Gusto ni Hesus na mahalin natin Siya nang higit pa kaninuman o anuman.

Ako ang pangatlo

Minsan may isang baseball player sa Chicago, Amerika, na laging may nakasabit na isang gintong medalya sa kanyang leeg, at may nakaukit: “Ako ang pangatlo.” Minsan isinulat niya ang kasaysayan ng kanyang buhay, at ito din ang pamagat ng aklat: “Ako ang pangatlo.” Tinanong naman siya kung ano ang ibig nitong sabihin, at sumagot siya: “Lagi kong dala ang medalyang ito, at itong nakaukit dito ay lagi kong binabasa. Ito’y nagpapaalala sa akin, na ang Panginoon ang pang-una, ang mga kaibigan ko ang pangalawa, at ako ang pangatlo.”

Ito ang naging prayoridad niya sa buhay: Panginoon, mga kaibigan, at sarili niyang buhay.

Ano naman, o sino naman ang mga prayoridad mo? Nagkakataon ba na si Hesus ang itinatakwil mo, o inilalagay sa pangalawa o pangatlong lugar sa listahan, dahil inuuna mo ang ibang tao o ibang bagay?

Mahirap itong sagutin, sapagkat minamahal natin ang ating mga kamag-anak at mga kaibigan, at dapat inaalagaan din natin ang ating mga sarili. Pag may sakit ka at hindi ka makapagsimba, hindi mo naman itinatakwil si Hesus. Kaya, paano mo malalaman na hindi mo minamahal ang isang tao o bagay nang mas higit pa kay Hesus?

Ang bagay o taong ito ay nagpapalayo ba sayo sa Panginoon? O inilalapit ka? Sa pag-aalala mo sa sarili mo, napapansin mo na ikaw ay nagiging makasarili, o parang pinabayaan mo na ang iba nang dahil sa sarili mo lamang ang iniisip mo? O tama lang ba ang pera na ginagastos mo o ang oras na ginagamit mo para sa sarili?

Sa mga katanungang ito, maaaring malalaman natin kung ano ang mga prayoridad natin sa buhay. Inaanyayahan tayo ni Hesus na maging alagad niya, pero bago sumagot, pakinggan natin ang kanyang sinabi: “Hindi pwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat ng kanya.”

Makatarungang hari

May isang magandang talinghaga sa ebanghelyo kanina. Sinabi ni Hesus na ang isang hari, bago pa pumunta sa giyera, pinag-iisipan niya muna nang mabuti kung ang kanyang mga sundalo ay sapat upang makipagdigma sa kapwa niyang hari. Kung alam niya na hindi siya mananalo, magpapadala siya ng mga sugo upang makipag-areglo.

Bago magsimula ng isang bagay, dapat pag-isipan muna natin kung kaya natin itong gampanan. Sa pag-anyaya ni Hesus na sumunod sa Kanya, kailangang pag-isipan ng mabuti kung paano natin ito magagawa. Binibilang muna ng mahinahon at makatarungang hari ang kanyang pera, mga sundalo, at mga armas, bago magpasya kung ano ang gagawin niya: makipagdigma o makipag-areglo. Tama ang naging desisyon niya dahil alam niya kung ano ang kaya niya at kung ano ang hindi niya kaya.

Sa ating pagsunod kay Hesus, sa ating pagiging Kristiyano, o bago pa tayo humarap sa anumang proyekto, tularan natin ang haring ito, at pag-isipan muna nating maigi kung ano ang kaya nating gawin, ayon sa ating mga kahinaan o mga kalakasan na ating taglay.

Konklusyon

Nagmamahal kay Hesus ng higit pa kaninuman o sa anumang bagay ang sumusunod sa Kanya ng tunay. Kapag nasa sentro na si Hesus ng buhay natin, magagampanan natin ng mabuti ang ating pagiging alagad. Nawa’y matularan natin ang hari sa talinghaga, na nag-iisip muna bago magsimula, tuloy naging maganda ang kinalabasan ng kanyang mga pasya.


No comments:

Post a Comment