Ordinary Time – 24th Sunday Cycle C – 2010
Mabuting Balita Lu 15:1-10
Minsan may isang babaeng pumunta sa pari: “Father, patawarin n’yo po ako sapagkat ako’y nagkasala. Siniraan ko po ang aking kapitbahay, at di naman po totoo ang ikinalat kong balita tungkol sa kanya. Naiinggit lang po ako. Bigyan n’yo po ako ng absolusyon.”
“Sandali lang! – ang sabi ng pari – nagmamadali ka ba? Ito ang gagawin mo: pumunta ka sa poultry at magdala ka ng sako ng bigas. Punuin mo ito ng mga balahibo ng manok at pagkatapos bumalik ka dito sa simbahan. Pagdating mo dito, umakyat ka sa kampanaryo na may dalang kutsilyo at butasan mo ang sako.”
At ito nga ang ginawa ng babae. Nagkataong malakas ang hangin ng araw na iyon, kaya nang binutas niya ang sako, humalo sa malakas na hangin ang mga balahibo at kumalat ito sa iba´t-ibang lugar. Pagkatapos, bumalik siya sa pari.
“Ginawa ko na po ang iniutos n’yo Father! – ang sabi ng babae – Bigyan n’yo na po ako ng absolusyon.” “Sandali lang! – ang sabi ng pari – nagmamadali ka ba? Ito ang gagawin mo: tipunin mo ngayon ang lahat ng balahibo!”
“Ha! Imposible po´yong gawin!” – ang sabi ng babae – nagkalat na po ang mga ito sa kung saan-saang lugar.” “O! Kita mo na! – ang sabi ng pari – bibigyan kita ng absolusyon ngayon, pero nagkalat na ang mga tsismis mo at sa kung saan-saan na nakarating ito at di mo na ito kayang tipunin.”
Bahala na ang Diyos sa atin kapag tayo’y nagkasala at nagsisi na, pero ‘di pwedeng ilagay na lang sa “bahala na!” ang ating mga ginawa. May pananagutan pa rin tayo at tanda ng ating lubos na pagsisisi ang ating ginagawa upang pagbayaran ang ating mga kamalian. Nakakasakit ang kasalanan at tungkulin ng bawa’t isa na pagalingin ang sugat na idinulot nito.
Ang tatlong talinghaga
May tatlong talinghaga sa kapitulo 15 ng ebanghelyo ayon kay Lucas: Una, ang talinghaga ng nawalang tupa, na hinanap-hanap ng pastol hanggang sa masaya niya itong natagpuan. Pangalawa, ang talinghaga ng nawalang salapi, na hinanap-hanap ng babae at masayang ikinuwento sa mga kapitbahay nang makita niya ito. Pangatlo, ang talinghaga ng maawaing ama, na tinanggap niya ng buong puso at kagalakan ang bunsong anak nang umuwi ito sa bahay.
Sa tatlong talinghaga, nakikita natin na magkakatulad ang ugali ng pastol, ng babae at ng ama: masaya sila nang makita nila ulit ang nawala sa kanila.
May nagsasabi na ang tatlong talinghagang ito ay tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob. Pero may mga katanungan ako: ang nawalang tupa ang bumalik sa pastol, o ang pastol ang naghanap sa tupa? Ang salapi ang nagpakita sa babae, o ang babae ang humanap nito? Nagpasya ang bunsong anak na bumalik sa kanyang tatay ng dahil siya’y lubos na nagsisi, o ng dahil sa gutom lang siya? Nagbalik-loob ang anak sa mainit na yakap ng kanyang ama.
Tama naman, nagsisimula sa puso ng tao ang pagbabalik-loob. Pero nakikita ngayon na ang Diyos ang unang lumalapit sa tao, at ang pagbabalik-loob ay nagsisimula sa Diyos. Pwede nating sabihin: “ako ang nagbalik-loob sa Diyos.” Pero mas maganda siguro kung sabihin nating: “kalooban ng Diyos na balikan ako.”
Dumadaan ang Panginoon, hayaan mo na makita ka niya. Huwag ka ng tumakas; huwag ka ng magtago. Binabalik-balikan ka Niya palagi.
Maaaring naranasan mo minsan na meron kang ginagawang kasalanan. Alam mo na mali ang ginagawa mo, pero di mo ito kayang itigil. Sinasabi mo pa sa sarili mo: “Bakit pa ako mangungumpisal? Gagawin ko naman ‘yun ulit.” Mahina na ang panalangin mo sa Diyos, pero inaamin mo naman na marami ka ng mga pagkukulang.
Ano ang gagawin mo? Hayaan mo na makita ka ng Diyos. Huwag ka ng tumakas; huwag ka ng magtago. Binabalik-balikan ka Niya palagi. At higit sa lahat, magsaya ka na at masaya na ang Diyos ‘pag natagpuan ka Niya.
Bulag daw ang Diyos
May isang “logic syllogism” na gusto kong ibahagi sa inyo: “God is love. Love is blind. Therefore, God is blind.” At tama naman ito, pagdating sa kasalanan ng tao, nagiging bulag ang Diyos, ngunit nakakakita Siya upang hanapin ang nawawala sa Kanya.
May nagsabi sa akin: “Father, hindi tinitingnan ng Diyos ang kasalanan ng tao bagkus tinitingnan Niya ang paglapit ng tao sa Kanya. Inahon ako ng Diyos sa putikan, at napawi ang mga kasalanan ko sa pamamagitan ng aking paglapit sa Kanya.”
Masusumpungan tayo ng Diyos sa ating paglilingkod. At sa paggawa ng kabutihan magiging malinis muli ang ating mga puso. Sinabi ni Hesus tungkol sa babaeng makasalanan: “Pinatatawad na ang marami niyang kasalanan dahil nagmahal siya nang malaki” (Lc 7:47). Hindi talaga nagiging bulag ang Diyos pagdating sa kabutihang ating ginagawa, tinitingnan Niya ito at ito ang kanyang ikinalulugod.
Konklusyon
May pananagutan tayo sa ating mga ginagawa. Ngunit nagsisimula sa Diyos ang ating pagbabalik-loob sa Kanya. Siya’y katulad ng isang pastol na naghahanap sa kanyang nawalang tupa, at katulad ng isang babaeng naghahanap ng salaping nawala sa kanya. Masusumpungan tayo ng Diyos at maganda kung matagpuan Niya tayong nagmamahal ng lubos sa Kanya at sa ating kapwa.
Yung babaeng naninira sa kanyang kapitbahay ay sadyang nakasakit ng damdamin.Maraming beses nangyari sa akin na akoy siniraan ng mga kapwa ko Pilipina,talagang masakit,lalo nat itoy isang matalik na kaibigan..Sadyang ang pagpapakumbaba ay talagang napakahirap gawin,lalong lalo na ang pagpapatawad.Pero napakasarap ng pakiramdam,na kung ang isang taong nagkasala sa iyo ay iyong patatawarin at ibalik muli ang nawalang magtitiwala.Talagang malaking tulong ang pagsisimba at may natututuhan kang mahahalagang bagay na di kayang ibigay ng taong nagbibigay ng advice..
ReplyDelete