
Ordinary Time – 22th Sunday Cycle C – 2010
Mabuting Balita Lu 14:1.7-14
Sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Cory Aquino, maganda ang mensahe ni Bishop Socrates Villegas para kina Noynoy at Kris sa kanyang homiliya. Ang payo kay Noynoy ay tungkol sa corruption, at ang payo kay Kris naman ay tungkol sa pagiging magpakumbaba. Ito’y kaakit-akit at akma sa ebanghelyo ngayon:
"Kris, - ang sabi ni Bishop - as you continue to stay in the limelight of show business and go up higher in your career on television, remember, all of these will pass. Your beauty and talents are not yours, they are God's. You will find your real happiness, as your mother did, not by being in the limelight, but being the spotlight lighting the face of Jesus.”
Masarap siguro ang pakiramdam kapag sikat at kilala ka ng mga tao. Lahat ng tao ay gustong maging tanyag at igalang ng ibang tao. Pero kadalasan, kapag ang focus ng tao ay sa sarili lamang, magiging mapagmataas ang kanyang puso.
Kaya inaanyayahan tayong maging magpakumbaba
Ito ang turo ni Hesus sa ebanghelyo ngayon sa pamamagitan ng isang talinghaga. Sa buhay, huwag mong hanapin ang mga matataas na puwesto. Mali ang mga taong nag-iisip na magiging masaya sila kapag nasa mataas na luklukan na sila. Sa halip, hanapin mo ang mga mababang puwesto at itataas ka. Binasa natin sa unang pagbasa: “Anak, gumawa ka ng mahinahon at mamahalin ka ng taong kalulugod-lugod sa Diyos” (Sir 3:17).
Maging magpakumbaba ka! Hindi ibig sabihin nito na wala kang kayang gawin o hindi ka na kikilos para hindi ka mapansin. Alam ng taong magpakumbaba kung anu-ano ang kanyang mga talento at hindi niya ito itinatago. Alam din niya kung anu-ano ang kanyang mga kahinaan at hindi niya ito ikinakahiya.
Ang ibig sabihin ng pagiging mapagpakumbaba ay alam na alam mo, na ang lahat ng bagay na mayroon ka sa buhay ay biyaya na galing sa Panginoon na hindi kailangan ipagyabang sa iba sapagkat ang mga taong nakapaligid sa iyo ang makakakita noon at magsasabing mapalad ka taglay mo ang mga katangian o talentong ito. Nararapat na manatiling mapagpakumbaba para malaman mo kung saan ka mahina, at humingi ng tulong sa Diyos at sa ibang tao, at kung anu-ano ang mga talento mo, para ito’y iyong ibahagi.
Maraming beses sinabi ni San Luigi Orione: “Basahin ninyo sa aking noo, basahin ninyo sa aking kamay, at basahin ninyo sa aking puso, ito lang ang nakasulat: ang lahat ay biyaya ni Maria.” Alam niya na ang lahat ng kanyang mga talento, ang kanyang espiritwal na panghalina na nagbibigay kakayahan sa kanyang impluwensyahan ang mga tao, at ang tagumpay sa kanyang nasimulan ay galing sa Diyos sa pamamagitan ni Maria. Kaya hindi lumaki ang kanyang ulo kahit sikat na siya at tanyag.
Ang salitang “humility” ay galing sa wikang Latino “humus” na ang ibig sabihin sa Tagalog ay “lupa”. Ang lupa ay andyan lang, ito’y hindi pinapansin at naaapak-apakan lang ng tao na parang walang halaga. Ang kahalagahan o dignity ng tao ay galing sa Diyos dahil ginawa Niya ito na Kanyang kalarawan. Ang taong may “humility” ay hindi nalilimutan na siya’y parang “humus” at tinatanggap din niya na ang ang lahat ay galing sa Diyos.
Ang ating Mahal na Ina ay huwaran ng pagiging mapagkumbaba. Kahit siya ang pinili ng Diyos, hindi siya nagmayabang. Nang dinalaw niya si Elizabet (Lc 1:39-56), inamin niya na ang kanyang puso’y nagagalak ng dahil sa Panginoon sapagkat “pinatalsik ng Diyos sa luklukan ang mga makapangyarihan, at itinampok naman ang mga balewala.”
“Do not expect!”
May mga taong hambog na sa unang tingin, akala mo sila’y mapagpakumbaba. Ngunit kapag sinabi mo sa taong ito: “Uy! Ang galing mo naman!” Sasagutin ka niya: “Hindi naman!”. At kung sabihin mo naman: “Bro, ang pogi mo!”, o kaya: “Ang ganda mo naman!”, sasagutin ka nila: “Hindi ah! Konti lang.” Pero sa totoo lang, hinihintay nila na purihin mo sila ulit kaya dini-deny nila.
May isa pang uri ng taong hambog. Ang mga ito ay laging nagsasalita tungkol sa kanilang sarili: “Ang galing ko naman! Ang ganda ko pa! Ang husay ko!” Sarili lamang ang focus nila kaya hindi nila alam kung saan sila mahina at nasasaktan sila sa tuwing hindi pinapansin kung gaano sila kagaling.
Minsan sinabi sa akin ng kaibigan ko: “Father, do not expect!” Inulit ko sa aking sarili: “Do not expect...” Nakita ko dito ang sikretong pagiging mapagpakumbaba. Ang taong hambog ay nasasaktan kapag hindi nangyari ang kanyang inaasahan, samantalang ang taong mapagpakumbaba ay laging handang tanggapin sa puso niya ang bawat pangyayari, maging maganda man ito o pangit.
Konklusyon
Kapag may pride ang tao, maraming problema ang darating sa kanyang buhay at paminsan-minsan lamang niya mararanasan ang tunay na kapayapaan. Samantala, ang taong mapagpakumbaba ay masaya’t mapayapa. Tamang-tama ang sinabi ni Bishop Soc, na ang tunay na kasiyahan, ay hindi galing sa pagiging sikat, kundi sa pagiging liwanag sa presensya ni Hesus.