Saturday, June 26, 2010

I can't relate to Jesus by Fr. Martin Mroz, fdp - REVIVE year 1 no. 13


Ordinary Time – 13th Sunday – Cycle C – 2010

Sometimes, I just can’t relate to Jesus. Sa kanyang paglalakbay patungong Jerusalem, dumaan siya sa Samaria. Hindi Siya tinanggap ng mga tao doon dahil Siya’y isang hudyo. Noong panahong iyon, magkaaway ang mga hudyo at samaritano.

Pero iba ang naranasan ko. Sa aming pagpunta sa Dalahican, Lucena, mainit ang pagtanggap ng mga tao sa amin. Masaya sila dahil nagpunta kami roon upang magmisyon. Binubusog nila kami, binubuksan nila ang kani-kanilang tahanan para sa amin. Kaya, ngayon, I can’t relate to Jesus, dahil Siya’y itinakwil, at kami naman ay tinanggap.

Sa mainit na pagtanggap nila sa amin tila magiging mas madali para sa amin ang aming misyon, pero ang tunay na mahalaga ay ang pagiging matapat na alagad, hindi lamang sa oras ng tagumpay, kundi maging sa oras din ng pagsubok at paghihirap.

Hindi madali maging alagad ni Jesus
Alam natin na hindi madali ang maging alagad ni Jesus. Marami ang mga hadlang at tukso sa ating pagsunod sa Kanya. Sa Ebanghelyo ngayon, may tatlong taong gustong sumunod kay Jesus, at malinaw ang Kanyang mensahe tungkol sa pagsunod sa kanya: Hindi-Ito-Madali.

Nang tinawag ni Jesus ang isa sa kanila, nagpaalam pa ito upang ipalibing muna ang kanyang ama. Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus: “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos” (Lc 9,60).

Hindi Niya ibig sabihin na pabayaan na ng tao ang kanyang ama. Ang tinutukoy ni Jesus ay kung ang pag-aalala mo sa isang tao ang makapaglalayo sayo kay Kristo, hindi ka pa handa para sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos.

Gayun din naman, nang may nagpaalam kay Jesus na susunod siya sa Kanya, ngunit gusto niya munang batiin ang kanyang mga kasambahay, sinabi ni Jesus: “Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos” (Lc 9,62).

Hindi ibig sabihin ni Jesus na dapat mo ng kalimutan ang mga mahal mo sa buhay kung gusto mo Siyang sundin. Ako man, kahit ako’y pari at malayo sa aking bansa, may komunikasyon pa rin ako sa aking pamilya at ang kanilang pag-ibig ang siyang nagpapalakas sa akin. Ang ayaw ni Jesus ay ang maging “on-and-off" ang ating paglilingkod. Either we commit ourselves to serve Him, or we do not begin our service at all. Kung magsisimula tayo ng isang bagay, at ito’y ayon sa kalooban ng Diyos, ipagpatuloy natin ito kahit anong mangyari.

Minsan may mga hadlang sa ating pagsunod sa Kanya. Kung mas mahalaga sa atin ang mga materyal na bagay, katulad ng pera, kaysa kay Jesus, hindi tayo makakasunod sa Kanya ng buong puso. Gayun din naman, kung ang trabaho mo, o ang isang bisyo, ay makakasagabal sa iyong pagiging mabuting Kristiyano, itigil mo na ito. Ang pride mo, o ang pagiging makasarili, ay hindi makakatulong sa iyong paglilingkod sa kapwa, kaya subukan mo itong baguhin.

Gusto ni Jesus na mahalin natin Siya ng buong puso, ng buong espiritu at ng buong kaluluwa. Pinalalakas at binibigyan Niya tayo ng grasya upang makasunod sa Kanya at maranasan dito ang Kanyang kapayapaan.

Pinalaya tayo ni Kristo
Sinabi ni San Pablo sa ika-2 pagbasa:“Mga kapatid: Pinalaya tayo ni Kristo upang manatiling malaya. Magpakatatag nga kayo, at huwag nang paaalipin uli!” (Ga 5,1). Bunga ng ating pagiging matapat, ang kalayaan ng puso, at bunga ng kasalanan, ang pang-aapi.

Sinabi din ni San Pablo: “Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya.” At dapat nating gamitin sa tamang paraan ang ating pagiging malaya. Kung tayo’y nagkakasala, mananatili tayong alipin, samantala, kung tayo’y gumagawa ng kabutihan, tayo’y magiging malaya.

Konklusyon
Ang pagmamahal lamang ang magliligtas sa mundo. Ang pagmamahal natin kay Jesus at sa kapwa, ang daan upang maging tunay na alagad Niya. Minsan, kailangan na may mangyaring mga pagbabago sa buhay natin para mahubog tayo ayon sa kalooban ng Diyos, at nang sa gayon, maipahayag natin ang tungkol sa Kanyang Kaharian.